May hindi po kami pagkakasundo ng isa kong kapatid ukol sa hatian sa naiwang ari-arian ng aking namayapang ama. Nagulat na lang po kasi kami nang inilabas ng aking kapatid ang isang “Last Will and Testament” na ginawa umano ng aking ama ilang buwan bago siya binawian ng buhay.
Bukod sa ngayon lang po namin nakita ang sinasabing hu-ling habilin ng aking ama at napansin din namin na hindi ito notaryado kaya tumanggi ako at ang iba kong mga kapatid na sundin ang mga nilalaman nito.
Naninindigan naman ang aking kapatid na may bisa ang Last Will and Testament at dapat naming hatiin ang aming mga mamanahin alinsunod sa nilalaman nito.
Tama po ba ang pagmamatigas ng aking kapatid na may bisa ang Last Will and Testament ng aking ama kahit hindi ito notaryado? -- Clara
Depende sa klase ng Last Will and Testament na iniwan ng iyong ama ang sagot sa katanungan mo.
Sa ilalim kasi ng ating Civil Code ay may dalawang klase ng Last Will and Testament: Ang notarial will at ang holographic will.
Nakasaad po sa Article 804 hanggang 806 ng Civil Code ang mga requirements upang magka-bisa ang isang notarial will: (1) kailangang nakasulat ito; (2) nasa wikang naiintindihan ng tinatawag na testator o ng taong nag-iiwan ng huling habilin; (3) pinirmahan ito ng testator (4) sa harap ng tatlong saksi; (5) pirmado ang bawat pahina ng Last Will ng testator at ng kanyang mga saksi at (6) sinumpaan ito ng testator at ng kanyang mga saksi sa harap ng isang notary public. Kailangan rin na ilagay ng notaryo kung ilan ang pahina ng Last Will.
Kung isang holographic will naman po ang huling habilin ng inyong namayapang ama ay hindi na kailangan ng mga saksi at hindi na rin kailangang notaryado ito. Ayon sa Article 810 ng Civil Code ay Kailangan lang na (1) nasa sulat-kamay ng inyong ama ang buong dokumento, (2) nasa wika ito na kanyang naiintindihan, (3) may petsa na nasa sulat kamay rin ng inyong ama at (4) siya rin mismo ang pumirma nito.
Istrikto po ang ating batas pagdating sa paggawa ng mga huling habilin kaya ang kawalan lang ng isa sa mga nabanggit na requirements ay magdudulot ng kawalan ng bisa ng isang Last Will.
Sa iyong kaso Clara, hindi mo nabanggit kung typewritten ba o nasa sulat kamay ng iyong ama ang Last Will and Testament na ipinakita ng iyong kapatid.
Kung typewritten ito o basta hindi sulat-kamay ng iyong ama ay wala itong bisa dahil siguradong isang notarial will ang iniwan ng iyong ama at kailangang notaryado ito.
Kung nasa sulat-kamay naman ng iyong ama ang Last Will and Testament ay hindi magiging problema ang hindi pagiging notaryado nito. Kailangan lang na sumunod ito sa iba pang mga requirements ng isang holographic will na nabanggit ko.
Nawa’y nasagot ko ng lubos ang iyong katanungan. Paalala lamang na ang payong legal na nakasaad dito ay base lamang sa mga impormasyong iyong inilahad kaya maaring mag-iba ito sakaling may ilang mahahalagang bagay ka na hindi nabanggit.